20 Tips na Dapat Mong Malaman Bago Magbakuna ng Baboy

20 Tips na Dapat Mong Malaman Bago Magbakuna ng Baboy

Sa panahon ngayon, bawal magkasakit ang mga alaga nating baboy para hindi mawala ang pagod at investment natin.  Ang pinaka praktikal na paraan para maiwasang ang sakit ay ang pagbibigay ng bakuna sa kanila upang laging mataas ang kanilang resistensya laban sa mga sakit. Narito po ang ilang tips sa pagbabakuna para masigurado po nating effective at maganda ang proteksyon na makukuha ng ating mga alaga:

  1. Tiyaking tama ang bakunang ibibigay base sa mga “endemic” o pangkaraniwang sakit na tumatama sa inyong lugar. Kung bumibili po kayo ng mga dumalaga sa mga breeder farm, maaring itanong din sa kanila kung ano ang mga bakunang ibinibigay nila sa kanilang mga dumalaga para maisama din sa programa ng bakuna sa inyong farm .

  2. Alamin ang tamang timing o panahon kung kailan ituturok ang bakuna sa inyong mga alagang baboy. Posible po na mahina ang bisa ng bakuna kung napaaga o nahuli ang bigay ng bakuna ayon sa edad ng baboy.

  3. Iwasan ding mag underdose sa ibibigay na bakuna. I check ang tamang dosage na recomenda ng gumawa ng bakuna.

  4. Panatilihing nasa malamig na lalagyan o refrigerator ang bakuna habang hindi pa ginagamit upang hindi masira o mabawasan ang bisa ng bakuna. HUWAG PONG ILAGAY SA FREEZER ANG BAKUNA

  5. Kung nagbibigay ng “booster shot” , huwag hayaang masyadong matagal ang pagitan nito doon sa unang ibinigay na bakuna. Alamin sa beterinaryo ang tamang agwat ng unang bakuna sa boostershot.

  6. Bigyan lamang ng bakuna ang mga malulusog at at mga nasa tamang edad na baboy upang mas maganda ang proteksyon na makukuha nila sa bakuna laban sa sakit.

  7. Alamin ang tamang technique sa pagbabakuna. Alamin ang tamang haba at taba ng karayom na naaangkop sa laki ng baboy na babakunahan. Tiyakin din na tama ang lugar na tuturukan at anggulo ng karayom pag ipinasok sa laman ng baboy. Hindi po effective ang bakuna na naiturok sa taba ng baboy.

  8. Iwasang madumihan ang laman ng bakuna. Gumamit lamang ng malinis at bagong disposable na hiringgilya at karayom sa pagbabakuna. Huwag gagamit ng alcohol o disinfectant na pwedeng makasira ng bakuna.

  9. Huwag gumamit ng expired na bakuna. I-check muna ang expiry date ng bakuna sa bote bago ito gamitin.

  10. Maglaan ng tamang panahon para umepekto ang bakuna. Kailangan ng 2-3 linggo mula nang naiturok ang bakuna bago ito makapagbigay ng magandang proteksyon sa baboy.

  11. Huwag nang bakunahan ang mga baboy na kasalukuyang maysakit dahil hindi na ito makakakuha ng magandang proteksyon. Makabubuti kung ito ay gamutin na lamang. 

  12. Maaring magbigay ng bakuna sa mga buntis na inahin upang makapagbigay ng proteksyon o “antibodies” sa mga biik mula sa colostrum sa gatas ng inahin.

  13. Inactivated o killed vaccines ang karamihan sa nabibiling bakuna tulad ng bakuna laban sa parvovirus, erysipelas, E. coli at Mycoplasma pneumoniae. Kailangan ng 2-3 linggo mula pagkabakuna bago makapagbigay ng proteksyon sa katawan ng baboy. 

  14. Live o attenuated vaccine ay mas mabilis na nagbibigay proteksyon sa baboy sa loob lamang ng isa hanggang dalawang linggo pagkabakuna, Ngunit kailangang maingat sa pagbabakuna para walang matatapon na bakuna na maaring pagsimulan ng sakit sa ibang baboy. Halimbawa ng live vaccine ay hog cholera at PRRS.

  15. Pagkatapos magbakuna, sunugin o ibaon sa lupa ang bote na may natirang bakuna lalo na kung ito ay live vaccine upang hindi ito maging dahilan ng pagkalat ng sakit.

  16. Laging maghanda ng Epinephrine ampule bilang antidote kapag nagbabakuna. Maaring magdulot ng allergy o anaphylactic shock ang bakunang ibibigay sa baboy. Iturok ang 0.5 ml Epinephrine sa mga biik at 1 ml naman sa malalaking baboy kung may napansing namumula, humihingal o nagsusukang baboy pagkatapos bakunahan.

  17. Huwag ituturok ng malamig ang bakuna sa mga baboy para maiwasan ang allergy o anaphylactic shock. Kailangang ilabas muna ng 20 minutes mula sa ref ang mga live vaccine at 30 minutes naman sa killed vaccines bago iturok sa mga alagang baboy.

  18. Iwasang magbakuna ng mga baboy kapag busog ang mga ito. Magbakuna lamang bago magpakain o kaya 3 oras pagkatapos kumain ng mga baboy para maiwasan ang pagsusuka pagkatapos magbakuna.

  19. Iwasan ding magbakuna sa tanghali o kapag mataas na ang sikat ng araw para maiwasang humingal ang mga baboy pagkatapos magbakuna. Magbigay ng bakuna 6 – 8 ng umaga o 4 – 6 ng hapon.

  20. Iwasang paliguan ang mga baboy pagkatapos magbakuna at sa susunod na araw upang maiwasang lagnatin ang mga ito. Kung may nilagnat sa mga binakunahan, maaring magbigay ng gamot sa lagnat tulad ng sulpyrin o analgin. 

Ang Davsaic at Viddavet po ay may mga bakuna  na pwedeng makatulong sa pagpapalakas ng resistenya ng inyong mga alagang baboy. Kung may katanungan,  maari pong tumawag sa aming hotline 09209465712  o mag message sa aming fb page https://www.facebook.com/viddavet101/

Back to blog